Wala akong maisip na i-post kaya ilalagay ko na lang dito ang aking
naging huling papel sa Psych 108, pagninilay ito sa aking naging
karanasan sa paglilingkod sa Bantay Bata, at ang pagtatahi ko ng mga
konsepto sa sikolohiyang Pilipino (SP) dito.
Basahin niyo lang kung trip niyo...Medyo boring at teknikal din ang mga nilalaman nito.
Ang Pagiging Mayaman ng Bantay Bata 163
UNANG BAHAGI:
Hindi ko sinasabing mayaman sa pondo ang Bantay Bata, ang ibig kong
pakahulugan ang pagiging mayaman ng mga nangyayari sa loob nito, sa mga
konsepto sa Sikolohiyang Pilipino.
Para
sa lingkod aral na ito, marami akong mga organisasyong o programang pinagpilian
para salihan. Naisip ko sana
sumali sa mga aktibidad ng Gawad Kalinga, naisipan din namin ng isang kaibigan
magtrabaho sa CAL 101, pumasok din sa aking isipan magpart time sa isang Starbucks na halos katabi lang ng bahay namin,
naging opsyon din ang pag-volunteer sa
aming parokya kada linggo. Subalit mas pinili ko ang pagboluntaryo sa Bantay
Bata, matapos hikayatin ng isang blockmate. Bukod dito, naisip ko rin na
magiging mayaman siguro sa mga konsepto sa Sikoloiyang Pilipino ang pagsabak sa
napakakabuluhang programang ito. At alam mo, hindi ako nagkamali.
Bago
ko simulang talakayin ang mga naging karanasan ko sa lingkod aral na ito,
magbibigay muna ako ng unting impormasyon ukol sa Bantay Bata 163.
Ang
Bantay Bata 163 ay isang programa ng ABS-CBN Foundation Inc. Isa itong 24-hour
child abuse rescue operation kung saan nagbibigay sila ng mga payo, gamit ang
telepono, sa mga kaso sa pangaabuso ng mga bata. Bukod sa payo, nakikiisa rin
ang Bantay Bata 163 sa mga pulis at mga lokal na pamahalaan upang matugunan
agad ang mga naitatawag na kaso na nangangailangan ng agarang atensyon.
Nagiging daan din ang programang ito para magkaroon ng access ang mga biktima sa mga taong makakatulong sa kanilang mga
legal na pangangailangan, tulad ng mga abogadong nagaalay ng kanilang mga
serbisyo nang libre. Ang Bantay Bata rin ay binubuo ng ilan pang mga programa
na may layong pa ding tumulong sa mga bata tulad ng isang bahay na pwedeng
tirahan ng mga batang nagdesisyong manatili na sa pangangalaga ng center.
Mayroon ding “Bantay Edukasyon” sa loob ng Bantay Bata 163. Layunin nito ang
magbigay suporta sa pag-aaral ng mga bata.
Dito
sa Bantay Edukasyon ako lumahok. Ang Bantay Edukasyon ay sumusuporta sa
pag-aaral ng mga bata sa pamamagitan na rin ng mga tutorial at pagreview ng mga pinagaaralan tuwing
Sabado. Nilalahukan ito ng tatlong cluster
o lupon, ang cluster A, B, at C –depende
sa edad ng mga bata. Ayon din pala sa mga nakapanayam kong mga bata, sila ay
nag-aaral naman sa mga eskuwelahan. Ginaganap ang mga aktibidad sa
sub-programang ito sa gusali ng Rotary Club sa may Mother Ignacia St., Quezon City.
Madalas, habang ginaganap ang
mga pagtuturo at review, ang mga
magulang naman ay pinasasali sa mga seminar at paguusap.
Bukod
sa aming mga psychology majors na
lumahok sa programang ito, kasabay namin sa paglilingkod ang ilan at
paiba-ibang education majors ng UP
Diliman, sa ilalim ng kanilang CTWS; minsan din ay nakakasabay namin ang ilang
mga propesyonal na nagboluntaryo din. Ang mga class sessions ay pinamumunuan ni Ma’am Sol isang propesor din sa
UP Diliman.
Nakaanim
na balik ako sa programang iyon. Sa unang pagkakataon, nagturo ako ng Math sa
isang batang babae. Sa ikalawang balik, bokabyularyo sa English naman ang
tinuro ko sa apat na bata. Sa ikatlong punta ko doon, ni-review ko naman ang
limang bata sa pagbuo ng mga pangungusap, katulong ang isang CWTS student mula
sa Kolehiyo ng Edukasyon. Noong ika-17 ng Setyembre, siyam na bata naman ang
tinuruan ko ng ilang mga bokabyularyo sa English. At noong ikalimang pagbalik
ko doon, tulungan kami ni Arthur Buenaventura sa pagreview ng subject-verb
agreement at mga pronouns sa maraming 4th year high school
students.At sa ikaanim kong pagbisita, nagturo naman ako ng pagbilang sa marami
(at makukulit) na Grade 1 students.
Mas epektibo kung Filipino ang wikang panturo dito.
Ang
aking naging trabaho ay sumentro sa pagtuturo ng madaming mga bata, rotasyon
kasi ang mga cluster na aming
pinaghawakan. At sa aking karanasan na ito, ika ko nga kanina, napakaraming
konsepto rin, ukol sa sikolohiyang Pilipino ang aking naiugnay.
Sa
Bantay Edukasyon, ang aming gawain ay magturo sa mga bata mula Grade 1 hanggang
4th year high school ng mga piling asignatura tulad ng English at
Mathematics. Sa pinakaunang araw ko doon, ako ay naitalaga magturo ng Math sa
isang bata. Agad kong napansin na ang gabay at sample exercises at mga quizzes
na iniwan sa akin ay nakasulat lahat sa wikang Ingles. Ang paraan din ng
pagtuturo sa mga bata ay gamit ang Ingles. At siyempre, ganito rin ang itsura
ng mga exercises at paraan ng pagtuturo sa English subject.
Naisip
ko na hindi yata tama iyon, kasi mas mahihirapan matuto ang mga bata kung ang
wikang gagamitin ay hindi malapit sa kanilang kultura. Tsaka, ayon na rin sa
aking naging karanasan noong nasa elementarya at high school ako, mas madali
para sa akin ang mga diskusyon sa klase na Tagalog ang wika (kung hindi Bikol,
na wika ng probinsyang pinanggalingan ko) samantalang ang medyo ng mga
babasahin ay nasa Ingles—sa ganitong paraan, mas napapalawak ang kaalaman ng
bata sapagkat nasasanay siya sa dalawang wika at hindi lamang isa. Ang
paliwanag na rin siguro kung bakit mas epektibo ang paggamit ng wikang Tagalog
(sa kasong ito) sa oral na pagtuturo dahil sobrang sanay at listo na ang bata
sa pagunawa nito kasi ito ang salitang gamit nila sa pangaraw-araw na
buhay—hindi na nila kailangan pa magbuhos ng mataas na atensyon at madaming
enerhiya sa paguunawa.
Kung
kaya’t, Tagalog ang ginamit kong wika sa pagtuturo ng Math sapagkat sa tingin
kong mas maaalala, matutunan, at maiintindihan nang madali nila ang mga
pinagsasabi ko, at ito ang wikang Pilipino na malapit sa kanila. Ang paggamit
ng wikang malapit ay mas humikayat sa mga bata na lumahok sa mga diskusyon at
recitation nang maluwag at mukhang hindi pilit. Subalit, hindi ko ikakaila na
kulang pa sa kasalukuyan ang bokabyularyong Tagalog sa larangan ng Math, hindi
pa ito gaanong developed sa larangan ng Agham. Ngunit hindi naman ito sagabal,
kaya gumamit pa rin ako ng ilang termino sa Ingles at code switching. Ayon sa
mga naging resulta, na maganda naman, ng pagsusulit na binigay ko sa mga bata,
mukhang naintindihan naman nila ang aralin kahit na nagcode switching ako. Ang mahalaga, karamihan o ang mayorya ng wika
na ginamit ko ay nasa Tagalog. Hindi naman sa gusto kong magmayabang, pero
napuna ko rin na mas naging interesado ang mga batang tinuruan ko (at ng mga
blockmates ko) sa lesson dahil Tagalog ang ginamit namin, kaysa sa mga naging
estudyante ng mga kasamahan namin na Ingles pa rin ang framework ng
pagtuturo—nahalata ko ito sa kung gaano na bumabagsak ang mga eyelids ng mga batang tinuturuan sa
pamamagitan ng Tagalog kumpara sa Ingles.
Sabi
ko nga kanina, tinuturuan rin ng English ang mga bata. Ang English, isang wika
na hindi natural sa mga Pilipino ngunit itunuturing na wikang pambansa dito sa
Pilipinas. Isa itong dayuhang bagay. Sa Bantay Edukasyon, nakita ko sa iba kong
mga kasamahan na tinuturuan nila ng mga verbs, sentences, at subject-verb
agreement ang mga estudyante gamit ang wikang Ingles. Pati ang mga
handouts/gabay na pinaubaya sa mga guro tulad namin ay nailathala sa Ingles.
Muli, naisip kong hindi gaanong ka-epektibo matuto nang isang banyagang wika
gamit mismo kaagad ang banyagang wika. Dapat, ginagamit muna ang wikang malapit
o katutubo para sa pagsasalin. Sa gayon, unti-unting mabubuksan ang kaalaman ng
bata sa dayuhang wika. At kung magawa ito, hindi lamang matututo ang bata ng
dayuhang wikang iyon, kundi nauunawaan niya rin ito nang lubusan at hindi
lamang namemorya. Ganito rin ang paraan ng pagtuturo ng maraming propesor sa
Department of Foreign Languages sa UP. Lingid sa kamalayan ng mga Pilipino
kasi, malaki ang kunsiderasyon natin sa loob,
pagdating sa pagaaral, pakikipagugnayan, at interaksyon sa mga elemento ng labas. Kumbaga, para maiukit natin ang isang bagay na nagmumula sa labas sa isang tao, dapat muna natin
idaan sa Filipino (isang bagay na bahagi ng loob
ng mga Pilipino) sapagkat ang loob ay
umuunlad sa direkyong palabas at hindi basta-bastang matututunan ang bagay mula
sa labas, kung hindi gagamitin ang elemento ng loob. Hindi natin basta-bastang
maididikit ang labas sa loob, sa piguratibong pananalita,
itatahi muna natin ito (labas) sa loob.
Propesyonalismo at intelektwalisasyon sa larangan ng edukasyon.
Sa
panahon ng aking pagtuturo sa Bantay Edukasyon, sinikap kong mapalapit sa mga
“alaga” o estudyante ko para naman maging at
ease sila at ayaw ko ring magkaroon ng set-up na katulad sa pangkaraniwang
silid-aralan. Hindi ko ninais na tingnan nila ako bilang isang titser na
kailangang katakutan dahil nakakatanda ako sa kanila, dahil nagmula ako sa
isang tanyag na pamantasan o dahil mas matangkad ako sa kanila. Mas ginusto ko
na makita nila ako bilang isang kuya at kaibigan na naroroon para turuan sila.
Masasabi kong gumana naman ang stratehiya kong ito sa mga naturuan kong bata
mula sa ikaapat na grado hanggang 4th year high school. Sa paraang
ginamit ko, hindi sila kinabahan habang nakikipagtalastasan sa akin. Atlis
kumportable sila sa kahabaan ng sesyon namin.
Napagtanto
ko rin na hindi pala tama ito sa lahat ng pagkakataon. Naliwanagan ako noong
ikaanim na balik ko doon. Sa pagkakataong iyon, ako ay naitalaga magtutor sa mga Grade 1. Kailangan ko sila
turuan magbilang sa kabuuan ng sesyon. Sa kagustuhan kong gamitin ang aking
stratehiya, sinikap kong iparamdam sa kanila na dapat sila ay maging
kumportable habang ako ay nagleleksyon. Todo ang ngiti ko sa kanila, at kung
kausapin ko sila ay parang kapatid na rin—malumanay at may lambing ang tono ng
boses. Gumamit din ako ng pisara kung saan ako gumuguhit ng mga bagay na
kailangan nilang bilangin—ginawa ko ito para naman matuwa sila habang nagaaral.
Subalit, dumating kami sa punto kung saan kumulit na ang mga bata, naagaw nila
sa akin ang marker at ginuguhit na nila lahat ng gusto nila sa pisara (naaliw
ata sila nang pumayag ako sa hiling nila na gumuhit ng isang elepante). At mula
noon, di na sila nakikinig sa akin, at hindi ko na makontrol ang
sitwasyon—hindi ko naman magawang magalit sa kanila sapagkat sadyang mataas
lang talaga ang tolerance level ko at
hindi rin ako masyadong marunong magalit. Dulot nito, tinawag ko na lang ang
isang blockmate, na nagtuturo sa kabilang grupo, na humalili naman sa lugar ko.
Napuna ko na noong humalili siya sa lugar ko, biglang tumahimik ang mga
estudyante ko sa Grade 1. Nagsibalik sila sa kanilang mga upuan agad.
Ipinagpatuloy ng kaibigan ko ang leksyon namin samantalang lumabas naman ako ng
gusali upang bumili pa ng mga materyales sa pagtuturo.
Madalas
na itinuturo sa ngalan ng propesyonalismo na huwag na huwag isasama ang mga
personal na bagay sa mga gawaing pangtrabaho. Kaya nga mayroon tayong
kasabihang: trabaho lang, walang
personalan. Sa kabilang dako, sinasanay ang mga doktor na maging
intelektwalisado, o detached sa mga
pasyente, para hindi sila gaanong masaktan kung may mangyaring masama man sa
mga pasyente nila. Sa ganitong paraan, tinitingnan natin ang ating trabaho at
kliyente na parang object o ibang-tao lamang, na hiwalay sa sarili.
Ang
hindi ko pagsunod sa payong iyon, o sa pagiging detached sa mga bata, ang dahilan siguro kung bakit nawalan ako ng
kontrol sa kanila. Naisip ko pagkatapos ng araw na iyon na dahil sa pinaggagawa
kong nagnanais maging at ease ang mga
bata sa akin, agad kong napataas ang antas ng pakikipag-ugnayan nila sa akin.
Marahil mabilis kong nagawang ipakilala ang sarili ko bilang hindi-ibang tao sa kanila dahil sa
paraan ng pamamalakad ko, paraan ng pakikipagusap at pagturing ko sa kanila. At
dahil nawala na ang pagiging ibang-tao ko sa kanila, nagawa nila akong kulitin
nang kulitin, hanggang dumating sa puntong nawala na sa tamang daan ang leksyon
namin. Wika ko nga kanina nang pinahalili ko ang aking blockmate sa pagtuturo
ay biglang nagsiayos ang mga estudyante, nangyari ito sapagkat sa mga antas ng
pakikipag-ugnayan hindi mo maaaring ipakita ang ilang mga ugali tulad ng kulit
sa mga taong itinuturing nating taga-labas
o ibang-tao, kundi sa mga taong
tinuturing nating hindi-ibang tao o bahagi na ng kanya-kanya nating
pagpapakahulugan ng loob. Sa kasong ito, sa simula ng pagtuturo ng blockmate
kong iyon, ibang-tao o taga-labas pa ang turing sa kanya ng mga Grade 1, kung
kaya’t behave nga sila. Hindi
nagtagal, umabot din sa mataas na antas ng pakikipag-ugnayan ang mga humalili
sa akin, kaya pati sila ay nakaranas din ng matinding pangungulit ng Grade 1.
Ang
pinagtitibay dito: huwag masyado mapalapit sa mga estudyante para maiwasan ang bias at pagkawala ng kaayusan at
awtoridad.
Nagiiba ang vulnerability ng loob ayon sa edad.
Marahil
magtataka ang mambabasa kung bakit puro Grade 1 lamang ang ginamit kong
halimbawa sa mga nakaraang mga talata. At marahil mapapaisip kayo kung ano naman
ang nangyari sa mga tinuruan ko mula sa mas mataas na grado. Iba ang naging
kaso ng Grade 1 sa ibang grado—sila lamang ang nagpakita ng matinding
kakulitan. Kung tutuusin naman kasi, mas behave
iyong taga-ibang grade at mukhang hindi ko yata nakuha ang kanilang mga loob
agad. Gamit ito, mas lalo kong napatibay ang katotohanang mas madaling panahon
lamang ang kailangan ng isang ibang-tao (taga-labas) para makuha ang loob ng mga bata. Kung kaya’t madali nga
raw mapamahal ang mga bata at mababaw lamang ang kaligayahan nila kaya mabilis
silang mapalapit sa ibang-tao. Madali rin sila mapaniwala o mauto kaya napakavulnerable nila sa pang-aabuso at
pananamantala (na siya ring sinapit ng maraming bata sa programang ito). Sa
aking naging karanasan, babanggitin ko muli ang obserbasyon kong parang ang
bilis naman ata umakyat ng antas ng pakikipag-ugnayan ko sa mga batang iyon at
nagawa nila akong kulitin agad. At, habang patanda nang patanda ang tao, mas
nagiging magaling at mas masalimuot ang proseso ng pagsala ng loob nila sa mga
bagay na mula sa labas, na isasaloob din nila.
Pakikipagkapwa bilang tugon sa history of deprivation.
Bagamat
iba-iba ang antas ng pakikipag-ugnayan na ipinakita ng aking mga estudyante sa
Grade 1 at ng nasa mataas pang grado, may napansin akong pagkakapareho sa
kanila: lahat sila ay natutuwa sa presensya namin doon. Noon din lamang ako
nakakita ng mga lalaking siga na nagpapakita ng pagkalugod sa pagkakaroon ng
bisita. Hindi ba’t madalas sa mga batang ganoon ay hindi nagpapakita ng emosyon?
Kapuna-puna
rin ang galing ng mga bata sa bawat cluster
ang pagkakaroon ng matalas na memorya. Napabilib ako sa kanila na nagawa pa
nilang maalala ang pangalan ko kahit na halos isang buwan na kami hindi nagkita
kita—at kung tutuosin ay tatlong oras lamang kami nagkasama noong
nakaraan—samantala naman ay nahirapan akong gunitain muli ang pangalan ng
karamihan at sa mukha ko lamang sila nakikilala.
Iba
rin ang naranasan ko sa pagtuturo ko sa mga Grade 1. Sinasabihan din nila akong
huwag sila iwanan. Nang bumalik ako sa kanila matapos kong lumabas upang bumili
ng mga materyales (noong pagkakataong iniwan ko sila sa pangangalaga ng isa
kong blockmate, na humalili sa akin sa pagtuturo) tumayo agad ang ilan sila
mula sa kanilang mga upuan upang yakapin ako at sabihan ako na magturo muli sa
kanila.
Matapos
ang mga sesyon na iyon sa Grade 1, kami ay nagsilaro sa loob ng silid-aralan
habang nahihintay sa kanilang mga magulang. Sa mga oras na iyon, yakap pa rin
sila ng yakap sa akin.
Pinagisipan
ko rin kung bakit sila ganoon na lamang kalugod at kung bakit sila ganoon
kumilos sa amin. Kung kaya’t sinuri ko muli ang kanilang mga kasaysayan.
Malamang na sila ay nakaranas ng abuso at pagmamaltrato noon kaya nga sila
kinupkop ng Bantay Bata. At malamang na ang karamihan sa mga kaso ng pangaabuso
ay dahil sa isa sa mga (o parehong) magulang. Dahil sa pagmamaltratong sinapit
nila sa kanilang mga magulang, ang loob
nila ay tila napagkaitan ng sapat na pag-aaruga, pagmamahal, atensyon mula sa
mga pinakaunang taong tinuring nilang hindi-ibang
tao o taga-loob (mga magulang
nila na nagmaltrato sa kanila). Dulot
nito, patuloy silang sumasailalim sa proseso ng pakikipagkapwa sa ibang tao,
tulad ko, para mahanap nila ang mga pagkukulang na iyon sa loob ng iba. Kumbaga, dala ng history
of deprivation (sa pag-aaruga, pagmamahal, atensyon) na sinapit ng mga
batang iyon ang naging ugali at kilos (paglambing, madalas na pagyakap, atbp)
sa amin. Makikita dito ang pamamayani ng kapwa, o ng pag-iisa ng loob ng sarili
sa loob ng iba, sa kamalayan man o di-kamalayan ng mga Pilipino.
Mas gumaganda ang kalidad ng datos habang tumataas ang antas ng
pag-uugnayan.
Nabanggit
ko sa mga nakaraang seksyon na karamihan, kung hindi lahat sa mga nakasalamuha
ko sa Bantay Edukasyon ay may mga kasaysayan ng child abuse o sumapit ng unting pagmamaltrato ng mga magulang.
Maraming uri ng child abuse ang
mayroon. Mayroong mga musmos na nagahasa, hinipu-hipuan, pisikal na sinaktan, mentally at psychologically abused—ang mga ito ay nalaman ko mula sa mga kwento
ng Bantay Bata na napanood ko lamang sa telebisyon at hindi mula sa mga bata
mismo.
Inaamin
ko na hindi ko nagawang tanungin ang mga bata tungkol sa nakaraan nila sa
pangamba ko na magunita nila bigla ang masamang nangyari sa kanila—hindi yata
ako handa noong panahon na iyon rumisponde sa batang bigla na lang maiyak dahil
sa pagkaalala ng pangit na nakaraan. Pero, posible naman matanong iyon kung
maganda naman ang pagkakatanong ko sana.
Hindi
ko man nagawang tanungin ang mga bata tungkol dun, nagawa naman ito ng mga
kasamahan ko sa pagtuturo. Matapos kasi ng isang sesyon sa Bantay Edukasyon,
nakwento nila ang mga iba’t-ibang uri ng pangaabusong naranasan ng mga bata.
Nang tinanong ko kung paano nila iyon nalaman, sabi nila sa akin na gumugol sila
ng oras upang makipagkwentuhan sa mga bata hanggang maabot nila ang paksang
iyon—siyempre bumilib ako sa kanila.
Naisip
ko tuloy pagkatapos na dapat ay ginawa ko na rin makipagkwentuhan para naman
nalaman ko din ang mga pinagdaanan ng mga naging “alaga” ko, sa paraang hindi
na sila maiiyak dahil sa paggunita ng kabanatang iyon, sapagkat kumportable na
sila sabihin sa akin iyon. Ang metodong ginamit ng mga kasamahan ko, ang pakikipagkwentuhan, ay isa sa mga
makaPilipinong paraan ng pagkuha ng datos sa sikolohiya. Tulad ng pakikisama at pakikipanuluyan, magandang gamitin ang mga metodong ito sa
konteksto ng mga Pilipino, sapagkat daan itong mga ito upang paakyatin ng
mananaliksik ang antas ng pakikipag-ugnayan niya sa kalahok. Sa ganitong
paraan, hindi mag-aalinlangan ang kalahok magbahagi ng datos na hinahanap ng
mananaliksik dahil na rin sa palagay na mapupunta naman sa tama at mabuting
kamay ang kanyang mga ikekwento. Basta laging kailangan tandaan na sisikapin
dapat ng mananaliksik pantayin ang antas ng pakikipag-ugnayan ng kalahok dahil
kung hindi, magmumukhang nanghihimasok
(pakikialam) lamang ito, o pilit na pagpasok sa loob ng isa; pwede rin magmukha
itong nananakop o pilit na
pagsasailalim sa sa loob ng isa.
Malakas ang pag-uugnay ng loob sa labas, kaya hinay-hinay sa pagpuna.
Noong
isang araw naman, ako ay nagturo ng bokabyularyong Ingles sa siyam na bata.
Hindi ko makalimutan ang isang lalaki kong estudyante. Masunurin naman at
aktibo ang batang iyon sa talakayan namin. Bukod pa doon, mukha namang
interesado ito sa paksa sapagkat nakukuha niya ang sagot sa mga tinatanong ko
sa kanya. Bilang karagdagan sa mga detalye ukol sa batang iyon, naaalala ko na
may kasama siyang isang batang babae na kapatid raw niya. Sa totoo lang, medyo
kahawig naman nga niya yung bata—kung kaya’t masasabi kong magkapatid talaga
sila.
Sa
grupong pinanghawakan ko nung oras na iyon, mayroon din akong dalawa pang
estudyanteng lalaki. Kapwa nagalingan din ako sa dalawang iyon dahil tulad nung
isa pang lalaki na nabanggit ko kanina, mahusay din itong dalawa pagdating sa
resitasyon.
Dumating
ang punto na bigla ko na lang nalaman na sinuntok nung lalaking may kapatid,
iyong kasama niya sa grupo. Naawat ko sila nang madali at aking inalam kung
bakit niya ginawa iyon. Aniya, tinawag daw kasi nung isang lalaki na “ampon”
lamang ang kapatid niya—sabi nung isa ay nagbibiro lamang daw siya. Sinabihan
ko sila na huwag muna mag-away at magbiruan ng ganoong mga bagay. Matapos ang
ilang oras na pananahimik, bumalik na naman iyong isa sa panununtok doon sa
nang-asar sa kaniya.
Noong
araw naman na nagturo ako sa Grade 1 (ikaanim na balik), nakwento ko nga na
umabot sa punto na naging ubod ng kulit ang mga batang pinanghahawakan ko.
Bukod sa sila na ang “nag-take over”
sa pisara sa pamamagitan ng hindi pagpapakawala sa kaisa-isang marker na dala
ko, nagpagdiskitahan rin nila ang aking cellphone na halos hindi na nila
binitawan. Nang magkaroon ako ng tsansa makuha ito, tinago ko na lamang ito sa
kotse sa labas ng gusali. Subalit, nang subukan kong kumuha ng mga litrato
gamit ang digital camera, para mag-document,
napagdiskitahan din nila iyon (kapansin-pansin na digital camera ko lamang ang
pinagdiskitahan nila at hindi na iyong isa pang camera na dala ng kaibigan ko).
Masyado yata silang natuwa sa LCD monitor ng camera ko kaya pinagpapasa-pasahan
nila ito.
Sa
takot ko para sa camera ko, kinailangan ko iyon agawin (nang maayos) sa kanila
at itago. At dahil doon, hindi lahat sila ay nagkaroon ng pagkakataong
mahawakan ang aking camera. Dalawa sa mga batang iyon ay agad na nagtampo sa
akin dahil nga hindi na nila nasubukan ang camera. Ika nila sakin: “kuya, kuya,
hindi ka na namin bati.”
Pinapakita
ng mga nakwento ko sa seksyon na ito ang malakas na paguugnay ng mga Pilipino
ng mga bagay sa loob. Kung kaya’t
halimbawa, kapag pinuna ang isang trabahong gawa ng Pilipino, madalas na
dinidibdib niya ito o iniisip bilang pagpuna laban sa kanyang pagkatao o loob.
Sa
nakwento kong bata kanina na napikon nang pangalanang “ampon” ang kanyang
kapatid: biniro lang naman siya nung isa pang lalaki ukol doon, pero kung
mapapansin niyo, sobrang dinibdib at tinuring ito bilang pagkutya laban sa
pagkatao nila ng kapatid niya, hanggang umabot sa puntong pinagsusuntok na niya
iyong nagbiro. Pinagpapatibay lamang nito na ang mga kilos tulad ng pagbibiro ay ginagawa lamang sa mga
taong itinuturing natin bilang hindi-iba;
at kapag biniro natin ang isang tao na iba
sa atin, malaki ang tsansa na iisipin ng taong iyon na laban sa kanyang
pagkatao at loob ang bweltang iyon, at mauuwi sa pikunan at galit ang lahat.
Ganito
rin ang nangyari sa mga kwento ko ng mga Grade 1 na nagtampo sa akin. Kinuha at
itinago ko lang naman ang camera mula sa kanila dahil gusto kong magsi-ayos
sila at makinig muli sa mga blockmates ko na nagtuturo sa kanila. Pero, imbes
na tingnan nila iyon bilang ganoon, maaaring di-kamalayang tinuring nila ang
kinilos ko laban sa kanilang pagkatao at loob. Muli, pinatutunayan nito ang
malakas na pag-uugnay ng mga Pilipino, lalo na habang pabata nang pabata, ng
loob at labas (hal. tinuturing na personal ang mga bagay na hindi naman talaga
dapat personal).
Naaapektuhan din pala ako ng lokalisasyon ng mga paniniwala sa
relihiyon.
Mayroon
din akong naging kakaibang karanasan sa lingkod-aral na ito. Naalala ko lang
noong isang pagkakataon sa Bantay Edukasyon, na nawala sa kontrol ko ang aking
mga alaga. Kumulit sila—sobra. Pinagaagawan nila ako sa pamamagitan ng damit at
braso ko at pinagtatapakan nila ang aking sapatos. Ok lang naman ang mga
pinaggagawa nilang iyon, natolerate ko
pa naman. Pero noong isa sa kanila ay kumapit sa akin sa pamamagitan ng
scapular na suot ko, naalarma ako. Mula pagkabata kasi, palagi na akong may
suot na scapular. At hindi ko alam kung paano pero mayroon akong takot na
maputol ang scapular na ito—iniisip ko kasing mamalasin ako. Baka kasi magalit
ang Diyos kapag naputol ang scapular kaya magbibigay ito ng parusa sa
pamamagitan ng malas. Naaalala ko pa ang biglang pagsakabilang-buhay ng aking
paternal na lolo, kasabay ng pagkaputol ng rosaryo ko—marahil dito nagsimula
ang pag-correlate ko sa malas at pagkasira ng isang religious object.
Napagtanto
ko tuloy na napakalakas pala dumaloy sa dugo ko ng mga relihiyosong paniniwala
na nahaluan ng mga katutubong paniniwala, o ang pagretoke ng mga banyang
materyales (sa kasong ito, ukol sa relihiyon) sa katutubong itsura o ang localization of religious beliefs. Ito
ang tinaguriang Split level Christianity (Bulantao,
1966). Obserbasyon ko rin ito sa karamihan ng mga Pilipino. Ang lokaslisasyon
na ito ay tinutukoy ng pagbibigay importansya sa mga relihiyosong mga artifacts at bagay, bilang basehan ng
magiging pakikitungo ng mga diyos sa atin—maiuugat kasi ang ultrang pagbibigay
halaga at pangangalaga sa mga bagay tulad ng krus, rosaryo, at scapular sa mga
gawain ng mga sinaunang paganong Pilipino.
IKALAWANG BAHAGI:
Dalawang grupo siguro ng mga tao ang
masasabi kong nakasalamuha ko sa pagpasok sa lingkod-aral na ito: ang una ay
ang mga kapwa kong nagturo sa mga bata at ang isa pa ay ang mga naging
estudyante namin.
Ang mga nakasama ko sa pagtuturo,
tulad ng aking mga blockmates at ng ilang mga estudyante ng Kolehiyo ng
Edukasyon, ay kooperatibo naman lalo na sa mga pagkakataong dalawa/magkaakibat
kami sa pagtuturo ng isang grupo. Tulad namin, sila rin ay natutuwa at
ginaganahan sa pagtuturo ng mga bata. Hindi ko rin malimutan ang nasabi sa akin
ng mga kasamahan kong iyon: na pati raw sila, tulad ko, ay nahihirapan magturo
ng Ingles na pang-elementarya at high school sa mga bata dahil matagal na silang
hindi nakapagrereview ng mga konsepto
sa wikang Ingles. Ika nila, sana Math na lang daw ang ipaturo nila sa amin,
para mas madali. Sa tingin ko, hindi namin lubos na nakabisado ang wikang
Ingles dahil sa istruktura ng pagtuturo ng wikang (at grammar) ito dito sa
Pilipinas—na Ingles agad ang medyo ng pagtuturo ng Ingles at hindi ang wikang
katutubong sinalin. Kung marunong man kami mag-Ingles, karamihan sa mga ito ay
TV-english, o iyong nakukuha natin sa mga linya ng mga teleserye; or
bookish-english, na siyang kalimitang nakikita natin sa mga nobela at librong
sa eskwelahang nababasa natin.
Karamihan sa mga taong nakakwentuhan
ko sa lingkod-aral na ito ay mga bata, mula sa edad 6 hanggang 16, na may
kasaysayan ng pagmamaltrato at pangaabuso sa kanilang pagkabata. Pero kahit na
ganito na lamang ang kanilang sinapit noon, hindi halata sa paraan ng
pananalita at pakikipagkwentuhan nila ang sugat ng nakaraan. Nakakatuwa rin
sila sapagkat napakagalang ng mga bata makipag-usap hindi lamang sa akin, kundi
kahit sa iba. Hindi naman sa naghahanap ako ng mga taong gagalang sa akin,
nagalingan lang ako kasi nakukuha pa rin nilang rumespeto sa nakakatanda kahit
na isang nakakatanda ang pinagmulan ng abuso/maltratong sinapit nila—atlis
hindi sila naggeneralize na lahat ng
matatanda ay masama. Tila, normal pa rin naman sila at mabuti naman at nakarecover sila ng maayos. Hindi rin naging
malaking hadlang ang sinapit nila noon sa galing nila sa pagkatuto at
pag-aaral. Ika ko rin kanina, kapansin-pansin sa mga bata ang interes nilang
lahat makinig sa mga bisita tulad ko.
IKATLONG
BAHAGI:
Makabuluhan
ang aking karanasan bilang service learner. Ito ang kauna-unahang pagkakataong
sumabak ako sa pagtuturo ng mga batang mayroong mapait na kasaysayan sa
pagkabata nila. Kumpara sa ibang mga bata na tinuruan ko rin noon, wala naman
gaanong pinagkaiba ang mga bata sa Bantay Edukasyon maliban sa mas sensitibo
siguro ang mga ito. Sa karanasan kong ito mas lalo kong nakita ang “big
picture” ng mga kabataan sa Pilipinas ngayon: na marami sa kanila ay may isa o
dalawang magulang na malupit at pabaya, na marami sa kanila ay lumaki sa
kahirapan. Nakakapagod din pala ang linggo-linggong pagmamaneho sa
pagkalayo-layong Mother Ignacia St., pero ayos lang sa akin sapagkat wala
namang katumbas na halaga ang unting sayang naidulot namin ng mga kasamahan ko
sa mga batang iyon—hindi ito bola. Napagtanto ko rin na ang hirap din pala
magturo, bukod sa dapat gagawin mo ang lahat para may matutunan ang mga bata,
sisikapin mo rin panatilihin ang isang antas ng pakikipag-ugnayan na kaaya-aya
sa pagkatuto. Mas lalo na rin sa akin napamahal ang propesyon ng pagtuturo
dahil sa naging karanasan na ito.
Maganda
naman itong programang sinalihan ko: ang Bantay Edukasyon ng Bantay Bata 163.
Bilib ako sa organisasyong ito dahil alam naman nating lahat kung gaano
kalaking tulong ang nabigay at patuloy na binibigay nito sa mga batang biktima
ng abuso at maltreatment. Bilib din
ako sa mga namamahala sa programang iyon na naroon bilang volunteers tulad ni
Ma’am Sol, Ate Renee, at Ate Rosalie, napakagiting naman nila at ginugugol nila
ang malaking hati ng kanilang oras sa pagtulong sa mga bata doon. Pero, kulang
talaga ang mga taong namamahala sa programang ito. Hindi ko alam kung bakit sa
dinami-dami ng guro sa Pilipinas, kakaunti lamang ang nagboboluntaryo sa
programang ito. At kung tutuosin, may kahinaan at katandaan na rin si Ma’am
Sol, ang tagapag-handa ng mga teaching materials. Siguro, kailangan pa makaakit
ng mas maraming volunteers ang programang ito, hindi lamang sa pamamagitan ng
CWTS students ng UP, kundi gamit ang advertising power ng kumpanyang may hawak
nito: ang ABS-CBN.
Nagpapasalamat
ako sa pagkakaroon ng requirement tulad ng lingkol-aral. Naging magandang
oportunidad kasi ito para masanay ko ang sarili ko sa paglalapat ng mga
konsepto sa sikolohiya at SP sa mga praktikal na bagay o mga bagay na
nangyayari talaga—at mas ramdam ko na ngayon ang pagiging psychology major ko.
Nakakatuwang isipin na ang mga bagay na karaniwang binabale-wala o hindi natin pinagtutuonan
ng pansin ay may teknikal at may pagkakumplikado palang kapaliwanagan. Naging
daan din ang lingkod-aral upang makapagoutreach
activity ako; akala ko kasi mawawalan na ako ng oportunidad nito
pagtungtong ko ng kolehiyo (sa UP, na non-secular na institusyon; ang aking
alma mater kasi ay punong-puno ng mga outreach programs dahil ito ay isang
Katolikong paaralan).
MGA SANGGUNIAN:
Aganon, Allen at Sr. Ma. Assumpta David (1985). Sikolohiyang Pilipino: Isyu, Pananaw, at
Kaalaman. Metro Manila: National
Book Store.
Enriquez, V.G.
(1994). From colonial to liberation
psychology: the Philippine experience (2nd Ed.). Manila: De La Salle University Press.
Enriquez, V.G.
(1989). Neo-colonial politics and
language struggle in the Philippines.
Quezon City: Akademya ng Sikolohiyang Pilipino.
Enriquez, V.G.
(1994). Pagbabangong-Dangal:
Indigenous Psychology and Cultural Empowerment. Quezon City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Maggay, M. (2002). Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino. Quezon City: Ateneo de Manila University
Press.
McAndrew, J. (2001) People
of Power: A Philippine Worldview of Spirit Encounters. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Miranda D. (1989). Loob : the Filipino within : a preliminary
investigation into a pre-theological moral anthropology. Manila: Divine Word Publications Inc.
Santiago, Carmen, at
Enriquez, V.G. (1982). Sikolohiyang
Pilipino: Teorya, Metodo, at Gamit. Quezon
City: Surian ng Sikolohiyang Pilipino.
Currently listening to: Jackson 5 - I Want You Back
Currently feeling: inaantok